Tafseer Ibn Katheer sa Wikang Filipino
Download PDF: https://viewer.zoho.com/docs/wXc9S
Ito ay ipinahayag sa Madeenah
Ang mga kabutihan ng Soorah An-Nasr
Dati ng nabanggit na ang Soorah An-Nasr ay katumas ng ¼ ng Qur’an at ang Soorah Az-Zalzalah na ¼ din ng Qur’an. Itinala ni An-Nasaa’i mula kay ’Ubaydullah bin ’Abdullah bin ’Utbah na sinabi sa kanya ni Ibn ’Abbas, ”O ’Utbah! Alam mo ba ang huling Soorah ng Qur’an na naipahayag?” Kanyang sagot, “Oo, it ay
[إِذَا جَآءَ نَصْرُ اللَّهِ وَالْفَتْحُ ]
(Kapag dumatal (sa iyo, O Muhammad) ang kalinga ni Allah at tagumpay) (110:1). Sinabi ni Ibn ’Abbas, ”Ikaw ay nagsalita ng katotohanan.”
[بِسْمِ اللَّهِ الرَّحْمَـنِ الرَّحِيمِ
[إِذَا جَآء نَصْرُ اللَّهِ وَالْفَتْحُ- وَرَأَيْتَ النَّاسَ يَدْخُلُونَ فِى دِينِ اللَّهِ أَفْوجاً- فَسَبّحْ بِحَمْدِ رَبّكَ وَاسْتَغْفِرْهُ إِنَّهُ كَانَ تَوبَا-]
Sa Ngalan ni Allah, Ang Mahabagin, Ang Maawain
1. Kapag dumatal (sa iyo, O Muhammad) ang kalinga ni Allah at tagumpay
2. At iyong napagmasdan ang mga Tao na nagsisipasok sa Relihiyon ni Allah nang maramihan.
3. Kaya’t ipagbunyi mo ang mga Papuri sa iyong Panginoon at manalangin na igawad Niya ang Kanyang Kapatawaran. Katotohanan, Siya ang tumatanggap ng pagsisisi at nagpapatawad.
Ipinaalam ng Soorah na ito ang pag-tatapos ng buhay ng Sugo ni Allah
Naitala ni Al-Bukhari mula kay Ibn ’Abbas na sinabi niya, ”Nakagawian nang dinadala ako ni ’Umar sa mga pagtitipon ng mga matatanda (na nakalahok sa digmaan) ng Badr. Subalit tila baga na may isa sa kanila ang nakaramdan sa kanyang sarili (laban sa aking pagdalo). Kaya’t kanyang sinabi, ”Bakit mo dinadala (ang batang) ito na kasama natin samantalang may mga anak naman kami katulad niya (ng gulang). Tugon ni ’Umar, ’Tunay na siya ay mula sa mga kilala ninyon’. Isang araw nagpaunlak siya sa kanila at inimbita ako na maupo kasama nila at sa aking palagay, inimbita lamang niya ako sa araw na iyon para lamang may maipakita sa kanila. Sinabi niya, ‘Ano ang inyong masasabi sa salita ni Allah,
[إِذَا جَآءَ نَصْرُ اللَّهِ وَالْفَتْحُ ]
(Kapag dumatal (sa iyo, O Muhammad) ang kalinga ni Allah at tagumpay). Sinabi ng ilan sa kanila, ’Tayo ay inatasang magpunyagi kay Allah at humingi ng Kanyang kapatawaran dahi sa Kanyang pagtulong sa atin at pagbigay sa atin ng tagumpay.’ Ang iba naman sa kanila ay tahimik at hindi nagsalita ng kahit ano pa. Pagkatapos, sinabi ni ’Umar sa akin, ’Ito rin ba ang sinasabi mo, O Ibn ‘Abbas ?’ Ang sabi ko, ‘Hindi .’ Sinabi niya, ‘Ano ang iyong masasabi’. Sinabi ko, “Ito ay ang pagtatapos ng buhay ng Sugo ni Allah na pinapaalam sa kanya ni Allah. Sinabi ni Allah,
[إِذَا جَآءَ نَصْرُ اللَّهِ وَالْفَتْحُ ]
(Kapag dumatal (sa iyo, O Muhammad) ang kalinga ni Allah at tagumpay) na ang ibig sabihin ay ito ay palatandaan mula sa iyong panginoon na malapit ng magtatapos ang iyon buhay
[فَسَبِّحْ بِحَمْدِ رَبِّكَ وَاسْتَغْفِرْهُ إِنَّهُ كَانَ تَوِبَا ]
(Kaya’t ipagbunyi mo ang mga Papuri sa iyong Panginoon at manalangin na igawad Niya ang Kanyang Kapatawaran. Katotohanan, Siya ang tumatanggap ng pagsisisi at nagpapatawad.)’ Kaya’t sinabi ni ‘Umar ibn Al-Khattab, ‘Wala na akong alam tungkol dito bukod sa sinabi mo.” Mag-isang nagtala si Al-Bukhari nito. Naitala ni Imam Ahmad mula kay Ibn ‘Abbas, “Nang,
[إِذَا جَآءَ نَصْرُ اللَّهِ وَالْفَتْحُ ]
(Kapag dumatal (sa iyo, O Muhammad) ang kalinga ni Allah at tagumpay) ay naipahayag, sinabi ng Sugo ni Allah
«نُعِيَتْ إِلَيَّ نَفْسِي»
(Ang aking kamatayan ay naihayag na sa akin). Tunay na siya ay namatay sa taon na iyon.” Si Ahmad ay mag-isang nagtala ng hadeeth na ito. Itinala ni Al-Bukhari na sinabi ni ‘Aishah, “Sinasabi parati ng Sugo ni Allah sa kanyang pagyukod at pagpatirapa,
«سُبْحَانَكَ اللَّهُمَّ رَبَّنَا وَبِحَمْدِكَ اللَّهُمَّ اغْفِرْ لِي»
(Luwalhatiin Ka, O Allah ang aming Panginoon, lahat ng pagpunyagi ay para sa Iyo. O Allah patawarin mo po ako.) Ito ay kanyang ginawa bilang pagganap ng kahulugan ng Qur’an.” Ito ay itinala ng Grupo[1] liban kay At-Tirmidhee. Itinala ni Imam Ahmad mula kay Masruq na sinabi ni ‘Aishah, “Parating binabanggit ng Sugo ni Allah sa mga huling araw ng kanyang buhay ang,
«سُبْحَانَ اللهِ وَبِحَمْدِهِ، أَسْتَغْفِرُ اللهَ وَأَتُوبُ إِلَيْه»
(Luwalhatiin si Allah, purihin Siya, Ako ay humihingi ng Kanyang kapatawaran at ako ay Nagsisisi at nanumbalik sa Kanya.) At sinabi niya,
«إِنَّ رَبِّي كَانَ أَخْبَرَنِي أَنِّي سَأَرَى عَلَامَةً فِي أُمَّتِي، وَأَمَرَنِي إِذَا رَأَيْتُهَا أَنْ أُسَبِّحَ بِحَمْدِهِ وَأَسْتَغْفِرَهُ، إِنَّهُ كَانَ تَوَّابًا، فَقَدْ رَأَيْتُهَا:
[إِذَا جَآءَ نَصْرُ اللَّهِ وَالْفَتْحُ - وَرَأَيْتَ النَّاسَ يَدْخُلُونَ فِى دِينِ اللَّهِ أَفْوَجاً - فَسَبِّحْ بِحَمْدِ رَبِّكَ وَاسْتَغْفِرْهُ إِنَّهُ كَانَ تَوِبَا ]»
(Tunay na sinabi sa akin ng aking Panginoon that matutunghayan ko ang isang palatandaan sa aking Ummah at inatasan Niya ako na kapag nakita ko na ito, Siya ay aking luluwalhatiin at humingi ng Kanyang kapatawaran, sapagkat Siya lamang ang tumatanggap ng pagsisisi. At tunay na ito ay nakita ko na. (Kapag dumatal (sa iyo, O Muhammad) ang kalinga ni Allah at tagumpay. At iyong napagmasdan ang mga Tao na nagsisipasok sa Relihiyon ni Allah nang maramihan. Kaya’t ipagbunyi mo ang mga Papuri sa iyong Panginoon at manalangin na igawad Niya ang Kanyang Kapatawaran. Katotohanan, Siya ang tumatanggap ng pagsisisi at nagpapatawad.) Itinala din ni Muslim ang Hadeeth na ito. Ang kahulugan ng Al-Fath ay ang pagsakop ng Makkah at isa lamang ang pananaw tungkol dito. Tunay na ang mga iba’t-ibang lugar ng Arabia are naghihintay lamang ng pagsakop ng Makkah bago sila yayakap sa Islam. Sabi nila, ”Kung siya (Muhammad) ay magwawagi laban sa kanyang nasyon, siya ay isang (tunay) na propeta.” Kaya’t nang siya ay binigyan ni Allah ng tagumpay sa Makkah, sila ay nagsipasok sa Relihiyon ni Allah ng dagsaan. Kaya’t hindi tumagal ng dalawang taon (pagkatapos ng pagsakop ng Makkah) bago’t napuno ng pananampalataya ang tangway ng Arabe. At walang natirang mga tribo ng mga Arabo kundi sila ay tumanggap ng Islam. Lahat ng puri at biyaya ay kay Allah. Itinala ni Al-Bukhari sa kanyang Sahih[2] na sinabi ni ’Amr bin Salamah, ”Nang masakop ang Makkah, lahat nang tao ay nagmadaling pumunta sa Sugo ni Allah upang tanggapin ang Islam. Maraming mga lupain na inaantala ang kanilang pagtanggap ng Islam hanggang sa pagsakop ng Makkah. Sinasabi ng mga tao, ’Pabayaan mo siya at ang kanyang mga kasamahan. Kapag siya ay magtatagumpay laban sa kanila, siya nga ay (totoong) propeta.” Nasuri na natin ang ekspedisyon ng mga digmaan sa pagsakop ng Makkah sa ating aklat As-Surah. Samakatuwid ang sinumang magnais ay kanya itong suriin doon. At lahat ng pagpuri at biyaya ay kay Allah. Itinala ni Imam Ahmad mula kay Abu ‘Ammar na may isang kapitbahay ni Jabir ibn ‘Abdullah ang nagsabi sa kanya, “Bumalik ako galing sa isang paglalakbay at ako pinuntahan at binati ni Jabir bin ‘Abdullah. Kaya’t nagsimula akong magsalita sa kanya tungkol sa pagkawatak watak na nangyayari sa mga tao at kung ano ang sinimulan nilang gawin. Kaya’t umiyak si Jabir at sinabi niya, ‘Narinig ko na nagsabi ang Sugo ni Allah,
«إِنَّ النَّاسَ دَخَلُوا فِي دِينِ اللهِ أَفْوَاجًا، وَسَيَخْرُجُونَ مِنْهُ أَفْوَاجًا»
(Tunay na ang mga tao ay nagsipagpasok sa Relihiyon ni Allah ng dagsaan, sila ay magsisilisan din ng dagsaan.) At dito nagtatapos ang Tafseer ng Soorah An-Nasr, at lahat ng papuri at biyaya ay sa Allah lamang.
[1] Grupo ng nagtatala ng Hadeeth na sina Al-Bukhari, Muslim, Abu Dawud, At-Tirmidhee, Ibn Majah, An-Nasa’i at Ahmad. Ito ay pag-grupo na ginawa ng isang dalubhasa sa Hadeeth si Al-Haafidh Ibn Haajar Al-‘Asqalaani.
[2] Sahih Al-Jaami’ ang pangalan ng mga hadeeth na tinipon ni Imam Bukhari. Ito ay mas kilala bilang Sahih Bukhari.
No comments:
Post a Comment