Thursday, March 17, 2011

Tafseer Soorah Al-Ikhlas

 

171220101525 Masjid Fanar Doha, Qatar

Tafsir Ibn Kathir sa Wikang Filipino

I download sa PDF file: http://viewer.zoho.com/docs/ndkdg

Ito ay ipinahayag sa Makkah

Ang dahilan kung bakit naipahayag ang Soorah na ito at mga kabutihan nito

Naitala ni Imam Ahmad mula kay Ubayy bin Ka’b na sinabi ng mga Mushrikoon[1] sa Propeta na, ”O Muhammad! Sabihin mo sa amin ang lahi ng iyong Panginooon.” Kaya’t ipinahayag ni Allah

[قُلْ هُوَ اللَّهُ أَحَدٌ - اللَّهُ الصَّمَدُ - لَمْ يَلِدْ وَلَمْ يُولَدْ - وَلَمْ يَكُنْ لَّهُ كُفُواً أَحَدٌ ]

(Ipagbadya (O Muhammad): “Siya si Allah, ang Nag-iisa. Allahus-Samad! (Si Allah ang Walang Hangan, ang Sakdal at Ganap) Hindi Siya nagkaanak at hindi rin Siya ipinanganak. At walang anuman ang sa Kanya ay maihahalintulad.”) Ito ay katulad ng naitala ni At-Tirmidhi at Ibn Jarir at sa kanilang salaysay, kanilang dinagdag,

[الصَّمَدُ]

“Ang (As-Samad) ay Ang Siya na hindi nagkakaanak, ni hindi rin Siya ipinanganak, sapagkat walang ipinanganak nang hindi namamatay, at walang namamatay nang hindi nag-iiwan ng mana, at tunay na si Allah ay hindi namamatay at hindi nag-iiwan ng kahit anong mana.

[وَلَمْ يَكُنْ لَّهُ كُفُواً أَحَدٌ ]

(At walang anuman ang sa Kanya ay maihahalintulad). Ang ibig sabihin nito ay wala Siyang kapareho, wala Siyang kapantay, at wala kagaya niya sa kahit anumang paraan.” Ito ay naitala din ni Ibn Abi Hatim at ito ay nabanggit bilang isang Mursal[2] na uri ng salaysay. Sinabi ni At-Tirmidhi, “At ito ang pinaka tama sa lahat.”

Isang Hadith tungkol sa Kabutihan nito

Nagsalaysay si Al-Bukhari mula kay ‘Amrah in ‘Abdur-Rahman, na dating nanatili sa bahay ni ’Aishah, ang asawa ng Propeta, na sinabi ni ’Aishah, ”Nagpadala ang Propeta ng isang lalaki bilang komandante sa isang digmaan at siya ang Imam ng kanyang mga kasama sa pagdarasal na may pagbigkas (ng Qur’an). Kanyang winawakasan ang kanyang pagbigkas sa pagbigkas ng ‘(Ipagbadya (O Muhammad): “Siya si Allah, ang Nag-iisa). Nang sila ay umuwi na, ito ay kanilang binanggit sa Propeta at sinabi niya,

«سَلُوهُ لِأَيِّ شَيْءٍ يَصْنَعُ ذَلِكَ؟»

(Tanungin ninyo siya kung bakit niya ginagawa yaon). Kaya’t tinanong nila siya at sinabi niya, ‘Dahil ito ay ang paglalarawan sa Ar-Rahman at mahal ko na bigkasin ito. Kaya’t sinabi ng Propeta

«أَخْبِرُوهُ أَنَّ اللهَ تَعَالَى يُحِبُّه»

“(Sabihin mo sa kanya na mahal siya ni Allah ang Pinakamataas)” Ganito naitala ang Hadith na ito ni Al-Bukhari sa kanyang Aklat ng Tawhid. Naitala din ito ni Muslim at An-Nasa’i. Sa kanyang Aklat ng Salah, initala ni Al-Bukhari na sinabi ni Anas, “Isang lalaki mula sa Ansar ang dati nang namumuno sa mga tao sa pagdarasal sa Masjid ng Quba’. Sa tuwing siya ay mag uumpisa ng isang Surah na pagbibigkas ng pagdarasal na pinamumunuan niya, kanyang sinisimulan iyon sa pagbigkas ng ‘Siya si Allah, ang Nag-iisa’ hanggang matapos niya ang buong Surah. Pagkatapos siya ay nagbibigkas ng isa pang surah pagkatapos niyon. At ito ay parati niyang ginagawa sa bawat Rak’ah. Kaya’t siya ay kinausap ng kanyang mga kasamahan tungkol dito; ‘Tunay na sinisimulan mo ang Pagdarasal sa Soorah na ito. At iniisip mo na hindi pa sapat ito sa iyo hangga’t di ka makapagbigkas ng iba pag Soorah. Kaya dapat ay bigkasin mo o iwan mo at magbigkas ka na lang ng ibang Soorah.’ Sagot ng lalaki, ‘Hindi ko ito iiwan. Kung nais ninyong ipagpatuloy ko ang pamumuno sa inyo sa pagdarasal, gagawin ko ito; at kapag ayaw ninyo dito, iiwan ko kayo.’ Kanilang tinuturing na siya ang pinakamainam sa kanila sa pamumuno sa pagdarasal at ayaw nila ang iba liban sa kanya na pamunuan sila.Kaya’t nang dumating ang Propeta, kanilang itong ipinaalam sa Propeta at sinabi niya,

«يَا فُلَانُ، مَا يَمْنَعُكَ أَنْ تَفْعَلَ مَا يَأْمُرُكَ بِهِ أَصْحَابُكَ، وَمَا حَمَلَكَ عَلَى لُزُوم هَذِهِ السُّورَةِ فِي كُلِّ رَكْعَةٍ؟»

(O pulan! Ano ang nagpigil sa iyo na gawin kung ano ang inuutos sa iyo ng iyong mga kasamahan, at ano ang nagkusa sa iyo na manatiling bigkasin ang Soorah na ito sa bawat Rak’ah). Sinabi ng lalaki, ‘Tunay na mahal ko ito.’ Tugon ng Propeta,

«حُبُّكَ إِيَّاهَا أَدْخَلَكَ الْجَنَّة»

(Ang pagmamahal mo dit ay magdudulot sa iyo na makapasok sa paraiso). Ito ay naitala i Al-Bukhari, na may putol putol na Isnaad[3], subalit sa paraan na nagpapahiwatig ng kanyang pagsang-ayon

Isang hadeeth na nagbanggit na ang Soorah na ito ay katumbas ng 1/3 ng Qur’an

Naitala ni Al-Bukhari mula kay Abu Sa’id na may isang lalaking nakarinig nag bigkas ang isa pang lalaki ng

[قُلْ هُوَ اللَّهُ أَحَدٌ ]

(Ipagbadya (O Muhammad): “Siya si Allah, ang Nag-iisa) at ito ay kaniyang inuulit ulit. Kaya’t nang sumapit ang umaga, ang lalaking ito ay pumunta sa Sugo ni Allah at binanggit ito sa kanya, at tila bagang ito ay kanyang minamaliit. Sinabi ng Propeta,.

«وَالَّذِي نَفْسِي بِيَدِهِ إِنَّهَا لَتَعْدِلُ ثُلُثَ الْقُرْآن»

(Sumusumpa ako sa Kanya na may hawak ng aking kaluluwa, tunay na ito ay katumbas ng 1/3 ng Qur’an.) Ito ay naitala din ni Abu Dawud at An-Nasa’i. Isa pang hadeeth na naitala ni Al-Bukhari mula kay Abu Sa’id, nawa’y kalugdan siya ni Allah, na sinabi ng Sugo ni Allah sa kanyang mga kasamahan,

«أَيَعْجِزُ أَحَدُكُمْ أَنْ يَقْرَأَ ثُلُثَ الْقُرْآنِ فِي لَيْلَةٍ؟»

(May isa ba sa inyo na kayang bumasa ng 1/3 ng Qur’an sa isang gabi?) Ito ay isang bagay na mahirap sa kanila at kanilang sinabi, “Sino sa amin ang kayang gawin iyon o Sugo ni Allah” Tugon niya,

«اللهُ الْوَاحِدُ الصَّمَدُ ثُلُثُ الْقُرْآن»

(“Si Allah ay ang Iisa, ang As-Samad” ay 1/3 ng Qu’an). Mag-isang nagtala si Al-Bukhari sa Hadeeth na ito.

Isa pang Hadeeth na ang pagbasa nito ay makakapagdulot na makapasok sa Paraiso

Itinala ni Imam Malik bin Anas mula kay ‘Ubayd bin Hunayn na narinig niya si Abu Hurayrah na nagsabi, “Lumabas ako kasama ng Propeta at nakarinig siya ng isang lalaki na nagbabasa ng ‘Ipagbadya, Siya si Allah ang Iisa.’ Kaya’t sinabi ng Sugo ni Allah,

«وَجَبَت»

(Kinakailangan!) Tanong ko, ‘Anong kinakailangan’ Tugon niya,

«الْجَنَّة»

(Ang Paraiso.)'' Ito ay naitala din ni At-Tirmidhi at An-Nasa'i sa pamamagitan ni Malik at sinabi ni At-Tirmidhi, “Hasan Sahih Gharib”. Hindi namin alam ito kundi sa salaysay lamang ni Malik.” Ang hadeeth na kung saan sinabi ng Propeta,

«حُبُّكَ إِيَّاهَا أَدْخَلَكَ الْجَنَّة»

(Ang pagmamahal mo dito ay magdudulot sa iyo na pumasok sa Paraiso) ay nabanggit na.

Isang Hadeeth tungkol sa pag ulit ng Soorah na ito

Itinala ni ‘Abdullah bin Imam Ahmad mula kay Mu’adh bn Abdullah bin Khubayn, na nag-ulat na sinabi ng kanyang ama, “Nauhaw kami at dumilim na habang naghihintay kami sa Sugo ni Allah upang pamunuan kami sa pagdarasal. Nang siya ay lumabas, kinuha niya ang kamay ko at nagsabi,

«قُل»

(Sabihin mo). At siya ay tumahimik. Pagkatapos sinabi niya uli,

«قُل»

(Sabihin mo). Kaya’t sinabi ko, ”Ano ang aking sasabihin’. Sinabi niya

[قُلْ هُوَ اللَّهُ أَحَدٌ ]

وَالْمُعَوِّذَتَيْنِ حِينَ تُمْسِي وَحِينَ تُصْبِحُ ثَلَاثًا، تَكْفِكَ كُلَّ يَوْمٍ مَرَّتَيْن»

(Sabihin mo: “Siya si Allah, ang Nag-iisa, » at ang dalawang Soorah ng Pagpakupkop (Al-Falaq at An-Naas) kapag darating na ang gabi at umaga ng tatlong ulit. Sila ay magiging sapat na para sa iyo dalawang ulit sa isang araw.” Ang hadeeth na ito ay naitala din ni Abu Dawud, At-Tirmidhi at An-Nasa’i. Sinabi ni At-Tirmidhi, ”Hasan Sahih Gharib”. Ito ay naitala din ni An-Nasa’i sa ibang Isnaad sa ganitong wording,

«يَكْفِكَ كُلَّ شَيْء»

(Sila ay sapat na sa iyo laban sa lahat)

Isa pang Hadeeth tungkol sa pagsumamo sa mga ito sa pamamagitan ng mga Pangalan ni Allah

Sa kanyang Aklat ng Tafsir, naitala i An-Nasa’ mula ka ’Abdullah bin Buraydah, na nag ulat mula sa kanyang ama na pumasok siya sa Masjid kasama ang Sugo ni Allah, at may isang lalaking nagdarasal at nagsusumamo na sinasabi, “O Allah ! Tunay po na humihingi ako sa Iyo sa pamamagitan ng aking pagsasaksi na walang diyos na dapat sambahin liban sa Iyo. Ikaw ang Nag-iisa, ang Walang Pangangailangan na Tagapagtustos ng lahat, ang hindi nagka anak at hindi Ka rin ipinanganak, at walang maihahambing sa Iyo.” Sinabi ng Propeta,

«وَالَّذِي نَفْسِي بِيَدِهِ لَقَدْ سَأَلَهُ بِاسْمِهِ الْأَعْظَم، الَّذِي إِذَ

(Sumusumpa ako sa Kanya na may hawak ng aking kaluluwa, tunay na siya ay humingi sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang Pinakadakilang Pangalan, na kung saan kapag…)

Isang hadeeth tungkol sa paghanap ng lunas sa pamamagitan ng mga Soorah na ito

Itinala ni Al-Bukharimula kay ‘Aishah na sa tuwing nasa kama na ang Propeta sa gabi, kanyang pinagsasama ang kanyang mga palad at hinihipan niya ito. At siya ay magbabasa sa kanyang (mga palad), ‘(Ipagbadya: “Siya si Allah, ang Nag-iisa.), ‘Ipagbadya: Ako ay nagpapakupkop sa Panginoon ng Al-Falaq’, at ‘Ipagbadya: Ako ay nagpapakupkop sa Panginoon ng sangkatauhan.’ Pagkatapos kanyang pupunasan ang ano man ang kaya niyang punasan sa kanyang katawan ng kanyang mga palad. Sisimulan niya sa pagpunas ng kanyang ulo at mukha at ang unahang parte ng kanyang katawan nang tatlong ulit. Ito ay naitala din ng mga nagtatala ng Sunan.[4]

[بِسْمِ اللَّهِ الرَّحْمَـنِ الرَّحِيمِ ]

Sa Ngalan ni Allah, Ang Mahabagin, Ang Maawain

[قُلْ هُوَ اللَّهُ أَحَدٌ - اللَّهُ الصَّمَدُ - لَمْ يَلِدْ وَلَمْ يُولَدْ - وَلَمْ يَكُنْ لَّهُ كُفُواً أَحَدٌ ]

(Ipagbadya (O Muhammad): “Siya si Allah, ang Nag-iisa. Allahus-Samad! (Si Allah ang Walang Hangan, ang Sakdal at Ganap) Hindi Siya nagkaanak at hindi rin Siya ipinanganak. At walang anuman ang sa Kanya ay maihahalintulad.”) Nabanggit na kung ano ang dahilan na pagkapahayag ng Soorah na ito. Sinabi ni ‘Ikrimah, “Nang sabihin ng mga Hudyo, ‘Sinasamba naming si ‘Uzayr ang Anak ni Allah,’ at ang mga Kristiyano naman ay nagsasabi, ‘Sinasamba naming ang Kristo (Hesus), ang Anak ni Allah,’ at ang Zoroastrians ay nagsabi, ‘Sinasamba naming ang Araw at Buwan’, ang mga Pagano ay nagsasabi, ‘Sinasamba naming ang mga Rebulto,’ Ipinahayag ni Allah sa Kanyang Sugo,

[قُلْ هُوَ اللَّهُ أَحَدٌ ]

(Siya si Allah ang Nag-iisa.'') Ibig sabihin Siya ay ang Nag-iisa, Ang Natatangi, walang Katambal, walang Katulong, walang katunggali, walang kapantay at walang maihahambing sa Kanya. Ang salitang ito (Al-Ahad) ay hindi maaring gamitin ninuman liban lamang ni Allah ang Makapangyarihan at Dakila, sapagkat Siya ay ganap sa lahat ng kanyang katangian at gawa. Tungkol sa Kanyang salita,

[اللَّهُ الصَّمَدُ ]

(Allah As-Samad.) Nag ulat si ‘Ikrimah na sinabi ni Ibn Abbas, “Ang kahulugan nito ay Siya ang sinasandigan ng lahat ng nilikha sa kanilang pangangailangan at mga hiling.” Nag-ulat si ‘Ali bin Abi Talhah mula kay Ibn ‘Abbas, “Siya ang Panginoon na ganap sa Kanyang kapangyarihan, ang pinaka Marangal na ganap sa Kanyang karangalan, ang Pinaka Kahanga-hanga na ganap sa kanyang pagkahanga-hanga, Ang Matimpihin na ganap sa Kanyang pagka matimpihin, Ang sangat sa Kaalaman na ganap sa kanyang kaalaman, ang Pinaka Matalino na ganap sa Kanyang karunungan. Siya ay ang ganap sa lahat ng aspeto ng karangalan at kapangyarihan. Siya si Allah, luwalhatiin Siya. Ang mga katangian na ito ay hindi naangkop sa iba liban sa Kanya. Wala siyang kapantay at walang Siyang katulad. Luwalhatiin si Allah, ang Nag-iisa, ang Di-malabanan.” Nag-ulat si Al-A’mash mula kay Shaqiq, na nagsabi na sinabi ni Abu Wa’il,

[الصَّمَدُ]

(As-Samad.) ay ang Panginoon na ganap ang pamamahala.''

Si Allah ay Malaya sa pagkakaroon ng mga Anak at magka anak

Sinabi ni Allah,

[لَمْ يَلِدْ وَلَمْ يُولَدْ - وَلَمْ يَكُنْ لَّهُ كُفُواً أَحَدٌ ]

(Hindi Siya nagkaanak at hindi rin Siya ipinanganak. At walang anuman ang sa Kanya ay maihahalintulad.”) ang ibig sabihin, wala siyang mga anak, magulang o asawa. Sinabi ni Mujahid,

[وَلَمْ يَكُنْ لَّهُ كُفُواً أَحَدٌ ]

(At walang anuman ang sa Kanya ay maihahalintulad.”) “Ang ibig sabihin nito ay Wala siyang asawa.’ Ito ay katulad ng pagsabi ni Allah,

[بَدِيعُ السَّمَـوَتِ وَالاٌّرْضِ أَنَّى يَكُونُ لَهُ وَلَدٌ وَلَمْ تَكُنْ لَّهُ صَـحِبَةٌ وَخَلَقَ كُلَّ شَىْءٍ]

(Siya ang Pinagmulan ng mga kalangitan at kalupaan. Paano Siya magkaakroon ng anak gayong Siya ay walang asawa? At Siya ang lumikha ng lahat ng bagay at Siya ang Ganap na Nakakaalam ng lahat ng bagay.) (6:101)

Ibig sabihin, pag-aari Niya ang lahat at nilikha Niya ang lahat. Kaya’t papaano Siya magkakaroon ng katambal mula sa Kanyang mga nilikha na kapantay Niya, o kamag anak na kahalintulad Niya, luwalhatiin si Allah na Malaya sa mga bagay na iyan. Sinabi ni Alah,

[وَقَالُواْ اتَّخَذَ الرَّحْمَـنُ وَلَداً - لَقَدْ جِئْتُمْ شَيْئاً إِدّاً - تَكَادُ السَّمَـوَتُ يَتَفَطَّرْنَ مِنْهُ وَتَنشَقُّ الاٌّرْضُ وَتَخِرُّ الْجِبَالُ هَدّاً - أَن دَعَوْا لِلرَّحْمَـنِ وَلَداً - وَمَا يَنبَغِى لِلرَّحْمَـنِ أَن يَتَّخِذَ وَلَداً - إِن كُلُّ مَن فِى السَّمَـوَتِ وَالاٌّرْضِ إِلاَّ آتِى الرَّحْمَـنِ عَبْداً - لَّقَدْ أَحْصَـهُمْ وَعَدَّهُمْ عَدّاً - وَكُلُّهُمْ ءَاتِيهِ يَوْمَ الْقِيَـمَةِ فَرْداً ]

(At sila ay nagsasabi: “Ang Pinakamahabagin (Allah) ay nagkaanak ng isang lalaki. Katotohanang kayo ay nagtambad (nagtaguri) ng isang kakila-kilabot na masamang bagay. Na (dahil dito) ang kalangitan ay halos mapunit, at ang kalupaan ay mabiyak mula sa ilalim, at ang kabudukan ay malansag sa pagkaguho. Nasila ay nagpaangkin ng isang anak (na lalaki) sa Pinakamahabagin. At hindi katampatan (sa Kamahalan) ng Pinakamahabagin na Siya ay magkaanak ng anak (na lalaki). Walang sinuman ang nasa kalangitan at kalupaan ang paparoon sa Pinakamahabagin na (siya’y) hindi isang alipin. Katotohanang batid Niya ang bawat isa sa kanila, at silang lahat ay nabilang Niya sa ganap na pagsusulit. At lahat sila ay paparoon sa Kanya na nag-iisa sa Araw ng Muling Pagkabuhay.) (19:88-95)

[وَقَالُواْ اتَّخَذَ الرَّحْمَـنُ وَلَداً سُبْحَانَهُ بَلْ عِبَادٌ مُّكْرَمُونَ - لاَ يَسْبِقُونَهُ بِالْقَوْلِ وَهُمْ بِأَمْرِهِ يَعْمَلُونَ ]

(At sila ay nagsisipagturing: “Ang Pinakamahabagin ay nagkaroon ng anak an lalaki.” Luwalhatiin Siya! Sila a mararangal na alipin lamang.) (21:26-27)

Sinabi din ni Allah,

[وَجَعَلُواْ بَيْنَهُ وَبَيْنَ الْجِنَّةِ نَسَباً وَلَقَدْ عَلِمَتِ الجِنَّةُ إِنَّهُمْ لَمُحْضَرُونَ .سُبْحَـنَ اللَّهِ عَمَّا يَصِفُونَ-]

(At sila ay kumatha (ng kasinungalingan), na sa pagitan Niya at ng Jinn ay may pagkakamag-anak, datapuwa’t matagal nang batid ng Jinn na sila (na gumawa ng gayong pagbibintang) ay dadalhin (sa kaparusahan). (37:158-159)

Sa Sahih Al-Bukhari, naitala (na sinabi ng Propeta),

«لَا أَحَدَ أَصْبَرُ عَلَى أَذًى سَمِعَهُ مِنَ اللهِ، يَجْعَلُونَ لَهُ وَلَدًا، وَهُوَ يَرْزُقُهُمْ وَيُعَافِيهِم»

(Wala nang mas mapagpasensya kay Allah sa mga bagay na naririnig Niya. Sila ay nagparatang ng anak sa Kanya, samantalang Siya ang nagbibigay ng kanilang pangkabuhayan at nagpapagaling sa kanila.) Naitala din ni Al-Bukhari mula kay Abu Hurayrah na sinabi ng Propeta,

«قَالَ اللهُ عَزَّ وَجَلَّ: كَذَّبَنِي ابْنُ آدَمَ وَلَمْ يَكُنْ لَهُ ذَلِكَ، وَشَتَمَنِي وَلَمْ يَكُنْ لَهُ ذَلِكَ، فَأَمَّا تَكْذِيبُهُ إِيَّايَ فَقَوْلُهُ: لَنْ يُعِيدَنِي كَمَا بَدَأَنِي، وَلَيْسَ أَوَّلُ الْخَلْقِ بِأَهْوَنَ عَلَيَّ مِنْ إِعَادَتِهِ، وَأَمَّا شَتْمُهُ إِيَّايَ فَقَوْلُهُ: اتَّخَذَ اللهُ وَلَدًا، وَأَنَا الْأَحَدُ الصَّمَدُ، لَمْ أَلِدْ وَلَمْ أُولَدْ، وَلَمْ يَكُنْ لِي كُفُوًا أَحَد»

(Sinabi ni Allah, ang Makapagyarihan, ang Dakila, ”Ako ay ikinaila ng anak ni Adan at wala siyang karapatan na gawin ito, inaabuso niya Ako at wala siyang karapatan na gawin ito. Ang kanyang pagkaila sa Akin ay ang kanyang salita, “Hindi Niya ako lilikhain muli katulad ng paglikha Niya sa akin noong una.’ Subalit ang paglikha muli sa kanya ay mas madali kaysa sa unang paglikha sa kanya. Ang pag abuso niya sa Akin ay ang kaniyang salita, ‘Si Allah ay nagka-anak. Subalit ako ay Nag-iisa, ang Panginoon na Walang Pangangailangan. Hindi Ako nagka-anak at hindi din Ako ipinanganak, at walang maihalintulad sa Akin.”) Ito na ang katapusan ng Tafser ng Soorah Al-Ikhlas at ang lahat ng papuri at biyaya ay ukol kay Allah lamang.


[1] Mga taong sumasamba sa mga diyos-diyosan (Idolators)

[2] Ang Mursal ay isang uri ng salaysay na ang nagsasalaysay ay isang Sahabi o Kasamahan ni Propeta Muhammad sallallahu alaihi wa sallam.

[3] Muallaq. Isang hadeeth na putol ang Isnaad. (Dapat ang lahat ng mananalaysay ng hadeeth ay nagkita nga upang sa gayon may patunay na narinig ng bawat isa ang hadeeth mula sa nagsabi sa kanya hangga’t umabot ito sa Propeta Muhammad s.a.w.)

[4] Mga dalubhasa sa Hadeeth na nagtala ng Sunan. Sina At-Tirmidhi, An-Nasa’i, Ibn Majah, Abu Dawud.

No comments: